Tapos nang araw sa opisina at pauwi na lahat ng tao. Tulad kahapon wala rin akong ginawa buong araw sa lamesa ko kundi mag-surf sa internet. Nakita ko na yata lahat ng naka-auction na relo sa eBay!
Ewan ko ba kung bakit nahiligan ko ang pangungulekta ng lumang relo. Para akong adik na nanginginig pag nakakakita ako ng lumang Omega Constellation o di kaya eh Oris pointer date automatic na ibinibenta sa eBay. Siguro dahil ayaw akong bilhan ng nanay ko ng relo nung bata pa ako.
Naaalala ko pang yung una kong relo. Mickey Mouse na Alba. Yung kamay ni Mickey Mouse ang umiikot para magsabi ng oras. Sobrang yabang ko sa eskwelahan nung nakuha ko yung relong yun. Ni ayaw kong ipatingin sa mga kaklase kong hiling-hili. Napaaway pa nga ako nung may humirit na "Hus, ampangit naman yan eh!" Sinapak ko nga.
May naka-auction na relo sa eBay ngayon; Heuer na Super Professional. Sinalaki ng wallclock at talagang pambihira!Bi-bidan ko siguro pag magka-pera ako next week…