I’m Leaving on a Jet Plane…
October 2, 2005 by dadnibea
Well, not exactly a jet plane–di-elisi, pero pwede na rin…
Pumunta ako sa mina nung biyernes ng umaga para kausapin ang mga opisyales ng unyon. Ang yabang ko pa dahil tatlo lang kaming sakay ng eroplano at feeling big time executive ang lolo mo! Ang ganda ng biyahe, tahimik ang kalawakan at sadyang magaling ang piloto namin. Nakatulog nga ako all the way.
Ganun din ang biyahe namin pabalik. Mas maganda pa nga ang panahon dahil tirik na ang araw at kitang-kita mo ang mga bundok, ilog, at mga palayan sa ibaba. Walang mag-iisip na ga-hibla lang ang layo namin sa disgrasya.
Answerte ko talaga, buhay pa ako. Paglapag namin sa Pandaigdigang Paliparan ng Ninoy Aquino, natanggal ang gulong ng eroplanong sinasakyan ko pauwi galing Mangkayan. Buti na lang at talagang nakalapag na kami at minamaneho na lamang ng piloto ang eroplano papunta sa aming private hangar. Habang papaliko kami sa isang lugar sa runway, walang kaabog-abog na tumingkayad ang eroplano na parang nahulog sa isang malalim na pothole! Nang silipin namin ang sira, laking gulat naming lahat dahil WALA NA ANG KANANG GULONG NG EROPLANO! Nawasak ang rim at ang goma ay naiwan nang nakabulagta sa runway!
Kagabi lang nagsink-in sa akin ang mga nangyari nung biyernes. Kung sa Mangkayan pa lang nasira na ang gulong, tiyak na sumirko ang landing ng eroplano at wala na ako rito para isulat ang post na ‘to.
Napahawak tuloy ako sa mag-ina kong parehong humihilik…